Lady Bulldogs nilapa ang Tams, pasok na sa semis
MANILA, Philippines - Kinailangan ng National University ang limang set upang maigupo ang hamon ng FEU, 25-21, 25-20, 23-25, 22-25, 15-13, at maibulsa ang ikalawa at huling semis berth sa Group B sa 8th Shakey’s V-League first conference kahapon sa The Arena sa San Juan.
Dahil parehong mahalaga ang panalo sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ng Shakey’s Pizza, kaya’t todo-bigay ang manlalaro ng magkabilang kampo pero ang Lady Bulldogs ang siyang pinalad na makalusot sa ikalimang set upang masamahan ang University of St. La Salle Bacolod sa Final Four sa 2-1 karta.
Ito ang unang pagkakataon sa NU na nakapasok sila sa Final Four matapos pumang-anim sa second conference ng nagdaang season at nangyari ito dahil sa 18 hits at 5 blocks ni Denise Santiago bukod pa sa 14 kills tungo sa 15 puntos ni Cherry Vivas.
“Inalisan kami ng pressure ni coach (Francis Vicente) sa pagsasabing mag-relax lamang kami sa fifth set at ilabas lamang ang tunay naming laro,” wika ni Santiago.
Natapos ang laro at nakuha ng NU ang panalo nang magtala ng error si Mayjorie Roxas ng FEU.
Si Maricar Nepomuceno at Monique Tiangco ay mayroong 13 at 10 hits para sa Lady Bulldogs tungo sa balanseng opensa ng nanalong koponan sa kompetisyong suportado rin ng Accel at Mikasa.
May pinagsamang 43 hits sina Rose Vargas at Rachel Daquis habang 18 hits din ang ibinigay ni May Morada para sa Lady Tamaraws na kinapos sa hangaring maalpasan ang quarterfinals nang mapatalsik sa labanan dala ng ikalawang sunod na talo sa yugto.
Sa ikalawang laro, bumangon ang Adamson U sa masamang panimula upang pigilan ang Ateneo sa tatlong set na panalo, 28-26, 25-10, 25-19 at manatiling buhay ang kanilang pag-asa na mapasabak pa sa susunod na round ng naturang torneo.
- Latest
- Trending