MANILA, Philippines - Pinagbayaran ng malaki ni Drian Francisco ang ‘di pagpapatulog kay Terrapith Singwancha nang makalusot ang Thai challenger ng unanimous decision panalo sa interim title fight kahapon sa Muang District, Petchaburi, Thailand.
Halos napakagat sa labi ang mga sumusuporta sa Thai challenger sa eight round nang tamaan ang kanilang iniidolo ng tatlong matitinding uppercut na nagpayanig sa tuhod nito.
Pero hindi bumigay at tila humugot ng lakas si Terrapith sa mga kababayan upang maalpasan pa ang round at matapos ang 12-round bout.
Nakalaban pa nga ito ng sabayan kay Francisco sa sumunod na apat na rounds upang makumbinsi ang tatlong hurado na ibigay sa kanya ang laban at maagaw ang WBA interim super flyweight title sa dating Filipino champion.
Sina referee Raul Cais Jr. at Francisco Martinez ay nagbigay ng 114-113 iskor habang di kapani-paniwalang 117-111 naman ang iginawad ni Takeshi Shimakawa ng Japan para maipaghiganti rin ni Terrapith ang nalasap na 10th round KO kabiguan ng kababayang si Duangpetch Kokietgym sa kamay ni Francisco nang nagkita noong Nobyembre 30 sa Nong Khai province.
Ang panalo rin ay nagselyo sa husay ni Terrapith laban sa mga Filipino boxers dahil si Francisco ang ikawalong Pinoy na kanyang tinalo sa kanyang career upang mailista ang ika-16th panalo sa18 laban.
“Groggy na siya pero naka-survive pa. Pero hindi naman tapos ang career ko at babalik ako na mas malakas dahil sa karanasan kong ito,” wika ni Francisco na pinalakpakan din ng mga Thai crowd matapos igawad ang desisyon.
Unang kabiguan sa 22 laban ito ni Francisco at naunsiyami ang hangad nitong title showdown sa WBA champion Hugo Cazares sa di inaasahang kabiguan.