MANILA, Philippines - Selyuhan ang ikalawang puwesto sa semifinals sa Group B ang nakataya sa National University sa pagharap sa FEU sa pagpapatuloy ng 8th Shakey’s V-League first conference quarterfinals ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Sariwa sa straight sets panalo sa South Western University sa huling laro, ikalawang panalo sa tatlong laro na magsisilbi bilang tiket sa Final Four ang makukuha ng Lady Bulldogs kapag tinalo ang inaasahang palaban ding Lady Tamaraws.
Ganap na alas-2 ng hapon nakatakda ang sagupaan at mahalaga rin sa panig ng FEU ang resulta ng laban na handog ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza.
Sa 1-1 karta, must-win ang Morayta based na koponan upang manatiling buhay pa ang hangaring maalpasan ang yugtong ito.
Patibayin naman ang hangaring pagbulsa sa ikalawang sunod na titulo sa ligang suportado ng Accel at Mikasa ang nakaumang sa Adamson sa pagharap sa Ateneo dakong alas-4.
Sa 2-0 karta ng Lady Eagles sa Group A, nakausad na rin sila kasama ng University of St. La Salle na may ganitong karta sa Group B.
Pero hindi naman papayag ang Ateneo na matapos ang limang sunod na panalo na naitala na sa liga kaya’t makakatiyak na pupukpok pa rin para magkaroon din ng winning momentum papasok sa semifinals.
Sina Cherry Vivas at Denise Santiago na nagsanib sa 32 hits nang kunin ng Lady Bulldogs ang 25-17, 25-21, 25-17, panalo sa SWU nitong Huwebes ang inaasahang mangunguna uli sa Lady Bulldogs.