Manila, Philippines - Babalikatin ng 11 mahuhusay na taekwondo jins--anim na lalaki at limang babae--ang kampanya ng SMART Philippine team sa 2011 world championships sa Mayo 1-6 sa Gyeongju, Korea.
Itinuturing na pinakamahusay sa kasalukuyan ang mga Filipino fighters na sina John Paul Lizardo na sasabak sa under 54-kg., Kevin Ngitngit (under 58-kg), Paul Romero (under 63-kg), Samuel Thomas Harper Morrison (-68-kg), Christian Al dela Cruz (-75-kg) at Marlon Avenido (under 80-kg) ang kakampanya sa men’s side.
Tatrangkuhan naman nina Pauline Louise Lopez (under 46), Jyra Marie Lizardo (under 49-kg), Jade Zafra (under 53-kg), Karla Jabe Alava (under 57-kg) at Maria Camille Manalo (under 62-kg) ang women’s side.
Pangungunahan ni Philippine Taekwondo Association vice president Sung Chon Hong kasama sina Raul Samson bilang team manager ang SMART Phl delegation.
Ang iba pang opisyal ay sina Kim Hong Sik (men’s coach), DFindo Simpao (female coach) at Roland Campos (international referee).
Ayon kay Hong palaban ang mga Filipino sa mga paborito sa prestihiyosong event na lalahukan ng 140 bansa kabilang ang host Korea, China, France, Spain, Iran, Turkey , Mexico at Amerika.
Habang nasa Korea, nagsanay ang SMART national jins sa Dong-A University upang imolde ang kani-kanilang talento. Sasabak din sila sa dual meet sa Dong-A University at iba pang prominenteng paaralan sa Busan mula May 7-16.