Thai boxer babagsak sa 6th round - Francisco
Manila, Philippines - Hanggang six rounds lamang ang ibinibigay na taning ni Drian Francisco kay Thai boxer Tepparith Singwancha na siya niyang makakaharap sa Linggo sa Phetchaburi, Thailand.
Itataya ni Francisco sa unang pagkakataon ang hawak na WBA interim super flyweight title na pinanalunan laban sa isa ring Thai boxer na si Duangpetch Kokietgym noong Nobyembre 30 sa Nong Khai , Thailand.
Sa press conference para sa laban na ginawa nitong Miyerkules sa 13coins Hotel Rama sa Bangkok, walang takot na sinabi ni Francisco ang kanyang paniniwalang madaling laban ito sa kanya at gamit ang kanyang lakas ay mapatulog ng maaga ang pambato ng host country.
“I know I can win the fight. My punch is strong enough to topple him,” wika ni Francisco sa mga mamamahayag sa tulong ng manager na si Elmer Anuran.
“Drian wants to finish the fight within six rounds but he is ready to go the distance,” dagdag pa ni Anuran.
Mataas ang morale ni Francisco dahil ang makukuhang panalo ay posibleng malinya sa kanya sa paglaban sa lehitimong titulo na sa ngayon ay hawak ni Hugo Cazares.
Wala ring problema sa timbang ng pambatong boksingero ng bansa na may ring record na 20-0-1, 16KO dahil tumitimbang na lamang ito sa 117 pounds.
Hindi naman nagpahuli ang boksingero ng Thai na tiniyak na itutulad si Francisco sa kapalarang sinapit nina Filipino boxers Mating Kilakil, Ryan Tampus, Apol Suico, Nino Suelo, Along Denoy, Ryan Maliteg at Ryan Migreno na kanyang tinalo.
“He is much stronger and skillful that Duangphet.Francisco cannot underestimate Tepparith,” wika ni Thai promoter Narit Singwancha.
Sa Sabado ay gagawin ang timbang ng dalawang maglalaban at matapos nito ay tutulak na ang Team Francisco patungong Phetchaburi na kung saan dito gagawin ang sagupaan.
Ang US referee na si Rafael Ramos ang tatayong third man sa ring habang sina Raul Caiz Jr. ng California, Francisco Martinez ng New Zealand at Venciclav Nikolov ng Bulgaria ang napili bilang mga hurado.
- Latest
- Trending