Lady Pirates, Stingers nakauna
MANILA, Philippines - Lumapit ang University of St. La Salle-Bacolod sa puwesto sa Final Four sa pamamagitan ng 25-15, 25-14, 22-25, 12-25, 15-9 panalo sa Southwestern University sa pagbubukas ng quarterfinals ng Shakey’s V-League First Conference kahapon sa The Arena, San Juan City.
Tumipak ng career high na 27 hits si Patty Orendain at nanguna siya sa mainit na pag-atake sa huling set na kung saan umalagwa ang Lady Stingers sa 10-0 panimula tungo 2-0 karta sa Group B.
Sisikapin ng USLS na walisin ang grupo sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza sa pagharap sa FEU sa Mayo 3.
Nalaglag naman sa 1-1 baraha ang Lady Cobras at nasayang ang 15 hits ni Danika Gendrauli.
Pinawi naman ng Lyceum ang unang set na kabiguan nang ibuhos ang lakas sa sumunod na tatlong sets para sa 21-25, 25-22, 29-27, 25-20, panalo sa Perpetual Help sa Group A.
Balanseng pag-atake bukod sa matibay na depensa na kanilang tinatakan sa 10 blocks, ang puhunan ng Lady Pirates para magtabla na sila ng Lady Altas sa 1-1 karta.
May 23 hits si Jeng Bualee, ang dating Thai import ng San Sebastian na namaalam na sa ligang suportado rin ng Accel at Mikasa.
Ngunit siya lamang ang nagtrabaho para sa bagong koponan at maunsiyami ang asam na paglapit sa kauna-unahang pagpasok ng Perpetual sa Final Four.
May 16 hits si Mary Jean Balse habang 15 at 12 naman ang ginawa nina Dahlia Cruz at Jamie Pena para sa Lady Altas.
- Latest
- Trending