Lopez handa na sa pagharap sa Mexican challenger
MANILA, Philippines - Maigting na pinaghahandaan ng Zamboanga, Sibugay ang nakatakdang homecoming bout ni World Boxing Council (WBC) International super flyweight champ Silvester Lopez laban kay Mexican challenger Everardo “EL Zihua” Morales sa Mayo 14.
Ang nasabing 12-round title bout ay idaraos sa Kabasalan Gymnasium sa Kabasalan.
Pinamumunuan ni Mayor George Cainglet ng Kabasalan ang promotional campaign para sa naturang boxing event na posibleng ihalintulad sa mga nakaraang laban nina Luisito Espinosa at Manny Pacquiao sa Mindanao.
Sakaling manalo kay Morales, maaari nang mangarap si Lopez para sa WBC super flyweight title.
Hindi naman mapakali si Cainglet, tinutulungan nina Rep. Romeo Jalosjos Jr. at Gov. Rommel Jalosjos, sa pagkakaroon ng 53 professional fights ni Morales.
Si Lopez ay No. 2 sa WBC rankings sa 115 pounds division at posibleng makalaban ang mananalo sa pagitan nina WBC super flyweight champion Tomas Rojas at challenger Juan Jose Montes sa Mayo 21.
- Latest
- Trending