DENVER - Nasa Oklahoma City Thunder na ang pagkakataon upang angkinin ang una nilang panalo sa playoff series matapos lumipat mula Seattle noong 2008.
Salamat na lamang kina All-Stars Kevin Durant at Russell Westbrook pati na ang kanilang malakas na supporting cast.
Matapos ang pagbibida nina Eric Maynor at James Harden sa Game 1 at Game 2, ayon sa pagkakasunod, namayani naman si Serge Ibaka sa Game 3 nang ibigay sa Thunder ang 97-94 panalo laban sa Denver Nuggets.
“That’s what it’s all about in this league,” sabi ni Durant. “You can’t win with just one or two guys.”
Mula sa pagiging isang shot-blocker, si Ibaka ay naging isang shot-maker para sa Oklahoma City.
Ang second-year pro mula sa Congo ay nagtabla sa kanyang career-high 22 points bukod pa ang career-high 16 rebounds na nagbigay sa Thunder ng 3-0 lead kontra Nuggets sa kanilang best-of-7 playoff series.
Wala pang NBA team ang nakakabangon mula sa isang 0-3 pagkakabaon.
“To beat this team four straight times in a playoff is not likely,” ani Nuggets guard Arron Afflalo. “But to beat them one time is, and we’ll go from that point.”
Nakatakda ang Game 4 sa Lunes sa Denver.
Si Ibaka, pinangunahan ang NBA sa kanyang 198 blocks sa regular season, ay nakahugot ng suporta mula kina Durant at Westbrook na may 26 at 23 points, ayon sa pagkakasunod.
At ang kanyang basket sa huling 10 segundo ang sumelyo sa tagumpay ng Thunder sa Nuggets.
“The key was being aggressive and stay focus and try to do my job first, like defense,” wika ni Ibaka. “After that get confidence on offense.”
Nakahugot ang Denver ng 15 points kay J.R. Smith kasunod ang tig-13 nina Afflalo at Chris “Birdman” Andersen.