MANILA, Philippines - Ikinadismaya ng mga motocross riders ang pagkakahati ng National Motorcycle Sports and Safety Association (NAMMSA).
Isa na rito ang multi-awarded rider na si Jolet Jao na kamakailan ay sumabak sa pakarera na inorganisa ng Sel-J Sports dahilan na rin umano sa kawalan ng mahabang programa ng NAMMSA na siyang pinaghahandaan ng mga motocross riders.
“Kami naman mga riders ay hinahanap ang buong taon na karera. Hindi naman nila kami mapipigilan na sumali sa mga gusto namin salihan na karera dahil kami ang gumagastos sa mga gamit namin,” sabi ni Jao, ang 5-time Rider Of the Year, Road RaceSuperbike at 6-time Underbone champion.
Sinabi pa ng 47-anyos na rider na si Jao, humuhugot ng suporta mula sa Extreme Bingo Club, Jolet Jao Motorcycle parts, Rolexsal, Hiyas Jewelry at Ohama Nail Studio, na bagaman nagpaalam siya sa organisasyon na kinikilala ng PSC ay inasahan na niyang hindi siya papayagan.
Ilang riders rin mula sa Nueva Ecija ang nagsilipat na rin sa Sel-J Sports na kasalukuyang nagdaraos ng International Motocross Series sa iba’t-ibang probinsya ng bansa.
“Tayo naman ay nag-eenjoy sa pagsali sa mga torneo. Natutuwa tayo na kinikilala tayo ng mga kabataan na nahihilig din sa safe driving at nailalayo natin sila sa masamang bisyo. Kaya kung pipigilan tayo ay dapat na siguro tayong magdesisyon,” sabi ni Jao.