Lady Stags, Tams magsisibakan para sa huling quarterfinals slot
MANILA, Philippines - Ibabalik ng San Sebastian ang Thai import na si Jeng Bualee upang buhayin pa ang kampanya sa 8th Shakey’s V-League first conference na magbabalik ngayon sa Filoil-Flying V Arena sa San Juan City.
Papasok uli si Bualee sa koponan na mahaharap sa do-or-die game laban sa FEU sa tampok na laro dakong alas-4 ng hapon.
Ang mananalo sa labang ito ang siyang kukumpleto sa mga koponang aabante sa quarterfinals sa Group A sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza at suportado rin ng Accel at Mikasa.
Parehong taglay ng Lady Stags at Lady Tamaraws ang 0-3 karta, kaya’t nagdesisyon ang pamunuan ng NCAA champions na pabalikin si Bualee na dumating sa bansa nitong Biyernes.
Ang mananalo sa larong ito ay makakasama ng Ateneo, Southwestern University at Lyceum na nakatiyak ng puwesto nang kunin ang unang tatlong puwesto sa 4-0, 3-1 at 2-2 karta.
Sa unang laro sa ganap na alas-2 ng hapon, nahaharap din sa must-win ang St. Benilde sa pagbangga sa Adamson.
Wala pang panalo sa tatlong laro ang Lady Blazers pero kung masilat nila ang Lady Falcons (2-1) ay makakatabla nila ang pahingang National University (1-3) para sa ikaapat at limang puwesto sa Group B.
Kung mangyayari ito ay magkakaroon ng playoff ang Lady Bulldogs at Lady Blazers para sa huling quarterfinals sa kanilang grupo.
Papalitan ni Bualee si guest player Suzanne Roces habang kinuha rin ng San Sebastian ang Fil-Swiss libero na si Jennifer Salgado para makahalili ni Cherry Macatangay.
Nalagay sa alanganin ang kampanya ng Lady Stags dahil sinamang-palad ding magkaroon ng injury si NCAA MVP Joy Benito.
- Latest
- Trending