Celtics lumapit sa semis sa East
NEW YORK - Dinomina ng Boston Celtics ang New York Knicks para sa kanilang 113-96 panalo at angkinin ang 3-0 lead sa kanilang NBA Eastern Conference playoff series.
Umiskor si Paul Pierce ng 38 points kasunod ang 3-of-2 ni Ray Allen para pangunahan ang Boston.
Nagposte naman si Rajon Rondo ng Celtics playoff-record 20 assists para sa Boston na inaasahang wawalisin na ang Knicks sa Game 4.
Naglista si Carmelo Anthony ng 15 puntos at 11 rebounds, subalit nanlamig ito sa 4-of-16 tira para sa Knicks.
Muling na-sideline si Chauncey Billups dahil sa injury nito sa tuhod at limitado naman ang galaw ni Amare Stoudemire bunga ng kanyang back spasms na umasinta lang ito ng 2-of-8 para sa kabuuang pitong puntos.
May posibilidad na makapaglaro na sa Game 4 si Shaquille O’Neal kung saan kasamang bumiyahe ito ng Celtics sa New York para sa Game 3.
Si O’Neal ay na-sideline dahil sa kanyang strained sa right calf matapos lumaro ng 37 games.
Sa Atlanta, isinalpak naman ni Jamal Crawford ang isang three-pointer sa huling 6.0 segundo upang ibigay sa Hawks ang 88-84 tagumpay laban sa Orlando Magic.
Kinuha ng Hawks ang 2-1 series lead.
Parehong napatalsik sina Zaza Pachulia ng Atlanta at Jason Richardson ng Orlando sa huling 2:22 matapos ang kanilang pormahan nang bigyan ng hard foul ni Pachulia si Orlando star Dwight Howard.
Iniwanan naman ni Howard ng braso sa mukha si Pachulia.
“In that situation, I’m never going to back down,” zabi ni Pachulia. “That’s just my personality.”
Humugot naman si Crawford ng 18 sa kanyang 23 points sa second half, tampok rito ang isang long-range jump shot.
“I just tried to get to my comfort zone, my sweet spot,” ani Crawford. “I felt like I had a good look and it happened to go down for us.”
Nakatakda ang Game 4 sa Linggo sa bakuran na ng Hawks.
Sa New Orleans, kumana si Kobe Bryant ng 30 puntos, nagdagdag si Pau Gasol ng 17 puntos at 190 rebounds at kinuha ng Lakers ang tempo para sa kanilang first-round playoff series matapos iposte ang 100-86 panalo laban sa Hornets.
Nagdagdag si Andrew Bynum ng 14 puntos at 11 rebounds at gumawa naman si Lamar Odom ng 13 puntos para sa two-time NBA defending champion, na kinuha ang kalamangan matapos na magsalpak si Ron Artest ng layup at nakakuha ng foul para sa 13-10 kalamangan na hindi na binitiwan pa ng Lakers.
Ang panalo ay nagbigay sa Lakers ng 2-1 bentahe sa kanilang best-of-seven series kung saan ang Game 4 ay lilipat na sa balwarte ng New Orleans sa Linggo.
Naglista naman si Chris Paul ng 22 puntos at walong assists para sa Hornets.
- Latest
- Trending