RP pugs isasalang sa mga training camps

MANILA, Philippines - Magiging abala ang na­tio­nal boxers sa mga training camps para mapalakas ang hangaring makakopo ng puwesto sa London Olympics bukod pa sa po­sibleng gintong medalya sa Southeast Asian Games sa Indonesia.

Sa plano ng ABAP, isa­salang nila ang Pamban­sang boksingero sa mga training camps sa Great Britain, Kazakhstan at India.

Unang camp ay sa Great Britain mula Hul­yo 25 hanggang Agosto 11 sa Sheffield, England at magkakaroon nga ng pagkakataon ang nationals na makasukatan hindi lamang ang mga British boxers kungdi pati ang German at Uzbekistan.

“Hindi lamang Great Britain ang makakaharap sa Camp dahil naroroon din ang boxers mula Germany at pag-alis nila ay dara­ting naman ang Uzbek. Maganda ito sa atin dahil mas maraming boksingero tayong makakaharap para mas mahasa ang ating boxers,” wika ni Ed Picson na executive director ng ABAP.

Naghahanda ang ABAP sa World Boxing Championships na isang London Olympics qua­lifying event bukod pa sa SEA Games sa Nobyembre.

Ang mga mangunguna sa delegasyon mula sa bansa ay sina Victorio Saludar at Mark Anthony Barriga sa 49 kgs.; Gerson Nietes at Rey Saludar sa 52kgs; nagbabalik na si Joan Tipon at Ricky Dulay sa 56 kgs.; Carly Suarez at Orlando Tacuyan sa 60 kgs; Dennis Galvan at Nathaniel Montealto sa 64kgs; at Delfin Boholst at Wilfredo Lopez sa 69kgs.

Inaasinta rin ng ABAP na makapagpadala ng bok­singero para magsanay sa Kazakhstan at India na parehong may magandang programa sa men’s at women’s boxing.

Maliban sa camp ay isasali rin ang Pambansang boksingero sa mga kompetisyon at nakalinya ang Jackson Memorial Tour­nament sa Tashkent, Uzbekistan mula Mayo 7 hanggang 13 at Korotkov Memorial sa Russia mula Mayo 16 hanggang 22.

Show comments