Emami hari ng Le Tour de Filipinas
BAGUIO City, Philippines - Matapos magpahinga sa huling dalawang stage ay puno ng enerhiya na kumarera si Rahim Emami ng Azad University ng Iran sa huling Stage 4 upang mapagharian ito na naglagay kinang sa pagkapanalo rin sa overall individual title sa 2011 Le Tour de Filipinas na nagtapos kahapon sa Burnham Park, Baguio City.
Nagkampeon sa Stage 1, bago sumabay lamang sa agos sa sumunod na dalawang stage, ipinakita ng 26-anyos na si Emami kung bakit siya nanalo ng silver medal sa King of the Mountian sa Tour de Langkawi sa Malaysia matapos manguna sa 112.5 kilometrong karera na pinahirap ng 6.5 km ahunan pagpasok sa Kennon Road View Park.
Ngunit walang epekto ito kay Emami na humugot din ng magandang suporta sa mga kakamping sina Farshad Salehian Amir Zargari at Mirsamad Pourseyedi Golakhour na nakasama nito nang pangunahan ang anim na dayuhang kumawala pagpasok sa akyatan.
“It was a trouble free ride,” wika ni Emami.
Nagsumiet si Emami ng 3:09:53 tiyempo sa huling stage sa karerang inorganisa ng Dynamic Outsource Solution, Inc. (DOS-1) na handog ng Kia Motors katuwang ang Smart at Air21.
Pumangalawa si Salehian sa 3:10:22 habang pumangatlo si Zargari kasama ang Giant Kenda ng Chinese Taipei Jai Crawford sa iisang tiyempo na 3:10:24.
Dahil sa ipinakita, si Emami ang lumabas na overall champion sa kabuuang oras na 12:15:34 o 53 segundong mas mabilis sa mga kababayang sina Salehian at Zargari na may identical time na 12:16:27, tungo sa ikalawa at ikatlong pagtatapos sa pangkalahatan.
Si Ericsson Obosa ng 7-Eleven na sa stage 3 ay nasa ikalawang puwesto at kapos lamang ng dalawang segundo ay naubos sa ahunan at tumapos sa nakakadismayang 46th puwesto sa 3:23:40 o 13:47 napag-iwanan ni Emami.
Dahil dito, ang tubong Nueva Ecija ay nalaglag sa ika-32nd puwesto sa kabuuang 12:29:33 tiyempo.
Ang skipper ng 7-11 na si Lloyd Lucien Reynante na pumangalawa rin sa overall sa nakaraang edisyon, ang siyang lumabas na best finisher sa stage at overall sa hanay ng mga local riders.
Tumapos ang 32-anyos tubong Muntinlupa sa ikapitong puwesto sa 3:13:24 tungo sa pang-anim na puwesto sa pangkalahatan sa 12:19:27.
- Latest
- Trending