TV5, Studio 23 interesado sa coverage ng PBA
MANILA, Philippines - Nagkumpirma na ng kanilang mga interes ang TV 5 ni businessman/sportsman Manny V. Pangilinan at Studio 23, isang UHF channel ng ABS-CBN na makuha ang coverage rights para sa 37th season ng Philippine Basketball Association (PBA).
Sa panayam ng GMANews.TV kahapon, kinumpirma ni PBA Commissioner Atty. Chito Salud na isa sa TV5 at Studio 23 ang maaaring makasalo ng coverage rights ng PBA mula sa humahawak na Solar Entertainment.
Matatapos ang kontrata ng Solar sa PBA sa Agosto.
“The deadline for those making a bid for the coverage rights ended last Friday, and we met with the bidders on Monday to discuss the terms of reference,” wika ni Salud.
Ang Studio 23 ang kasalukuyang nagsasaere ng mga PBA games sa simula ng 2011 PBA Commissioner’s Cup nang maghanap ang Solar Entertainment ng isang block timer bunga ng sinasabi nitong pagre-reformat.
Ang UHF Channel ang nagpapalabas sa mga collegiate sporting events kagaya ng UAAP, NCAA at Philippine Collegiate Champions League.
Pinapatibay naman ng TV5 ni Pangilinan ang kanilang sports programs sa pamamagitan ng pagsasaere ng katatapos na Philippine Open Pool Championships at ang darating na World Ten Ball Championship.
- Latest
- Trending