MANILA, Philippines - Pinangunahan ni dating World Shoot champion Jeufro “Jag” Lejano ang 100 practical shooters na sumali sa Alaminos Gali-La Festival Shootfest na ginanap kamakailan sa Hundred Islands Practical Shooters Association firing range sa Barangay Sabangan. Si Alaminos Mayor Hernani Braganza ang siyang naging panauhing pandangal sa pagbubukas ng dalawang araw ng shootfest na isang Level II event at may basbas ng Philippine Practical Shooting Assocition (PPSA).
Unang pagkakataon na may ganitong kompetisyon na ginanap sa Alaminos at si Lejano,ang 2005 International Practical Shooting Confederation champion sa modified class, ay kampeon sa production division.
Ang iba pang nanalo ay sina Bogs Resuello sa standard division, Enrique Ceesman sa open, at Roy Rondilla sa modified class.
Sinabi ni Braganza na ang anak na si Lean ay dating kakampi ni Lejano sa Philippine team, na ang shootfest ay bahagi sa ikapitong taong selebrasyon ng Gali-La Vida San Jose Festival ng Hundred Islands para sa patrong si St. Joseph.
Idinagdag naman ni Alex Ang, HIPSA president na magsasagawa rin sila ng mga buwanang kompetisyon at training sa hanay ng mga batang practical shooter.
“Hopefully by next year, we will have a Level III sanctioned match which mean’s 10 grueling shooting stages instead of seven which we have right now,” wika ni Ang na pangulo rin ng Western Pangasinan Chamber of Commerce.