MANILA, Philippines - Ikalawang sunod na panalo na tuluyang magpapatibay pa sa hangaring maalpasan ang eliminasyon ang hangad ngayon ng Junior Powerade sa pagpapatuloy ng PBA D-League Foundation Cup sa Oreta Gym sa Malabon.
Kalaban ng Tigers ang Maynila sa ganap na alas-2 ng hapon at maitatabla nila sa 2-2 ang karta kung manalo sila sa Water Dragons.
Tinapos ng koponan ni coach Ricky Dandan ang dalawang sunod na kabiguan nang mangibabaw sa Cebuana Lhuillier, 77-73, sa huling laro.
Sa kabilang banda, ang Water Dragons naman ay magsisikap na bumangon matapos ang 67-77 pagkatalo sa FCA para magkaroon ng 2-2 karta sa Group B.
Kung matatalo pa sa Tigers ay malalaglag ang Maynilad sa ikaanim na puwesto sa grupo.
Wakasan din ang tatlong sunod na kabiguan ang pilit na gagawin ng Freego Jeans sa pagkikita nila ng RnW Pacific Pipes sa tampok na laro dakong alas-4 ng hapon.
Bagamat binubuo ng matitikas na manlalaro ng Adamson, hindi pa kumikinang ang tropa ni coach Leo Austria nang matalo sa unang tatlong laro upang malagay sa huling puwesto sa Group A.
Gaya ng Freego Jeans, mangangailangan din ng panalo ang Pacific Pipes (1-2) dahil ang makukuhang tagumpay ay magtutulak sa koponan para makasalo sa Pharex at PC Gilmore sa ikatlo hanggang ikalimang puwesto kasunod ng nangungunang NLEX at Black Water Elite na may magkatulad na 3-1 baraha.
Magbabalik sa Maynila si coach Frankie Lim matapos masuspindi ng isang laro pero hindi nila magagamit si Sudan Daniel dala ng injury.