MANILA, Philippines - Nakatakdang bumalik ngayong araw si trainer Freddie Roach sa kanyang Wild Card Boxing Club sa Hollywood, California upang ipagpatuloy ang kanilang pag-eensayo ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao.
Ang four-time Trainer of the Year awardee ay nanggaling sa Manchester, England kung saan niya ginabayan si world light welterweight titlist Amir Khan sa isang sixth-round technical decision kay Paul McCloskey.
“Freddie missed this whole week, just the whole week at the Wild Card. But he will be back on Monday (US time),” sabi kahapon ni Alex Ariza, ang strength and conditioning coach ni Pacquiao.
Si Ariza, katuwang si Filipino trainer Buboy Fernandez ang pansamantalang nag-asikaso sa pagsasanay ng Sarangani Congressman habang nasa England si Roach.
Nakatakdang ipagtanggol ni Pacquiao, may 52-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 38 KOs, ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight title kontra kay Mosley (46-6-1, 39 KOs) sa Mayo 7 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Sakaling talunin ng 32-anyos na si Pacquiao ang 39-anyos na si Mosley, ang 37-anyos na si Juan Manuel Marquez ang maaring sunod na maging kalaban nito.
“It’s a tough fight for Manny and if he wins the best candidate for his next fight is Juan Manuel Marquez,” sabi ni Bob Arum ng Top Rank Promotions sa Mexican world lightweight titlist. Dalawang beses naglaban sina Pacquiao at Marquez.
Sa kabila ng tatlong beses na pagbagsak sa first round, nailusot pa rin ni Marquez ang isang draw noong Mayo ng 2004, habang inagaw naman sa kanya ni Pacquiao ang dati niyang suot na World Boxing Council (WBC) super featherweight belt via split decision noong 2008.
Isang media workout day ang itinakda ni Arum para kay Pacquiao sa Abril 20 sa Wild Card Boxing Club ni trainer Freddie Roach sa Hollywood, California.