Iranian uli sa stage 3
LINGAYEN, Pangasinan, Philippines --Inilabas ng kilalang climber na si Mirsamad Pourseyedi Golakhour ng Azad University ng Iran ang husay sa patag nang dominahin nito ang Stage 3 ng 2011 Le Tour de Filipinas kahapon na nagsimula sa Iba, Zambales.
Nanalo sa Genting leg sa idinaos na Tour de Langkawi sa Malaysia, humarurot agad si Golakhour kasama sina Cris Joven ng American Vinyl at Renato Sambrano ng Road Bike Philippines matapos lamang ang 9 na kilometro sa 151.2 km karera.
Si Sambrano na nagdomina sa dalawang intermediate sprints ay bumitaw sa 88-kilometer mark pero hindi naubos bagkus ay bumilis pa si Golakhour upang makapagtala ito ng halos dalawang bisikletang agwat sa nakalabang si Joven.
“I attack from start to finish,” wika ng 25-anyos tubong Tabriz, Iran na naorasan ng tatlong oras, 37 minuto at 12 segundo.
Si Golakhour ang lumabas na ikalawang siklista ng Azad University na nanalo ng stage sa karerang inorganisa ng Dynamic Outsource Solutions Inc. (DOS-1) matapos ni Rahim Emami na dinomina ang Stage 1 na isang criterium race.
Ganito rin ang tiyempo ni Joven na aminadong tiniis ang hirap para mabalikan ang koponan sa team classification.
Magtatapos ang apat na araw na karerang handog ng Kia Motors katuwang ng Smart at Air21 ngayon sa pamamagitan ng mapanghamong Lingayen, Pangasinan hanggang Baguio City.
May 48 siklista ang tumawid sa ikalawang grupo at kinapos ng 57 segundo at kasama nga rito ang yellow jersey holder Emami, si Ericsson Obosa ng 7-11, Hamid Shiri Sisan ng Suren Cycling team ng Iran at stage two winner Kazuo Inoue ng Bridgestone-Anchor ng Japan.
Si Obosa ang nabiyayaan ng ganitong pangyayari dahil umangat uli siya sa ikalawang puwesto at kapos na lamang ng 2 segundo sa nangungunang si Emami sa kabuuang oras na 9:05:53 laban sa 9:05:51 ng Iranian rider.
- Latest
- Trending