MANILA, Philippines - Ginamit ng local players na sina Sally Mae Siso at Fritz Satera ang kanilang hometown edge nang kapwa mangibabaw sa fourth leg ng Smart presents HEAD Age-Group National Tennis Tour 2011 Junior Satellite Circuit sa Cebu Country Club sa Cebu City.
Sumandal sa pamatay na backhand strokes ang 17-anyos at top seed na si Siso para gibain si second seed Aira Mae Putiz, 10-2, tungo sa pagkubra ng girls’ 18-below title ng torneong suportado ng Chris Sports, Meralco, Maynilad, Head, the official ball, at ng Toalson.
“I’m so thankful to Smart Sports and Head for making this competition yearly. It helps to become tough enough,” kuwento ni Siso, target naman ngayon ang gold medal sa darating na Palarong Pambansa sa Dapitan sa Mayo 8.
“I want to win a gold this year since this will be my last in Palaro.”
Isa si Siso sa mga batang tennis players na nabibigyan ng magandang break sa Smart Sports/Head junior tennis program, na nasa ika-13 taon na ng pagde-develop ng mga talento na maaaring maging pambato ng bansa sa mga future international tennis tourney.
Ang ilan sa mga naging produkto ng torneo ay sina Jeson Patrombon at Marinel Rudas.