Japanese Cyclist kinuha ang titulo sa stage two
MANILA, Philippines - Hindi malilimutan ni Kazuo Inoue ng Bridgetone-Anchor ng Japan ang paglahok nito sa 2011 Le Tour de Filipinas.
Ang 30-anyos na tubong Saitama, Japan ang humablot sa stage two para magkaroon na rin ng kinang ang halos 10 taong pagsali nito sa malalaking kompetisyon sa bisikleta.
“First time. I’ve been in cycling for 10 years and this is my first win. I’m very happy,” wika ni Inoue sabay palakpak sa sarili matapos makahulagpos sa malaking grupo ng siklista sa huling 500 meters ng karerang sinimulan sa Balanga, Bataan at nagtapos sa Iba, Zambales.
Kinuha ni Inoue ang 153.60 kilometrong karera sa bilis na tatlong oras, 59 minuto at 19 segundo upang pangunahan ang pagdodomina ng mga dayuhan sa ikalawang araw ng kompetisyon na inorganisa ng Dynamic Outsource Solutions, Inc. (DOS-1) at handog ng Kia Motors katuwang ang Smart at Air21.
Si Hamid Shiri Sisan ng Suren Cycling team ng Iran, tumersera sa Stage 1 na pinagharian ni Rahim Emami ng Azad University of Iran, ang pumangalawa
Si Jai Crawford ng Giant Kenda ng Chinese- Taipei ang pumangatlo na kinapos ng isang segundo sa nanalo.
May siyam na siklista ang magkakasamang tumawid sa ikalawang grupo at ang 2003 Tour champion Arnel Quirimit ang siyang lumabas bilang pinakamahusay na Filipino kahapon nang kunin ang ikaapat na puwesto.
“Buweluhan nang buweluhan,” wika ni Quirimit na katulad ni Inoue ay nagmula sa likod ng grupo.
Ngunit unang nakalusot si Inoue at dalawang dayuhan dahilan para hindi na makaabot pa ang 35-anyos na siklistang tubong Pozzorubio, Pangasinan.
Tiniyak naman ni Quirimit na mas magiging palaban siya sa Stage 3 na itatakbo mula Iba, Zambales patungong Lingayen, Pangasinan.
“Hindi pa tapos ang laban at gagawin ko ang lahat para hindi mapahiya sa mga kababayan ko. Talagang uuna ako dahil pangangalagaan ko ang puwesto ko. At aasahan ko ang suporta ng mga kababayan ko,” dagdag pa ni Quirimit na kasama sa Air21.
Nakapagpasiklab rin si Oscar Rendole ng Smart nang kunin niya ang dalawang King of the Mountain para pangunahan ang kategorya.
Si Ericsson Obosa, sumegunda sa stage one ay hindi naman nakaporma.
- Latest
- Trending