MANCHESTER, England — Napanatili ni Briton Amir Khan ang kanyang paghawak sa WBA light welterweight title matapos ang isang technical knockout kay Irish challenger Paul McCloskey sa sixth round dahilan sa putok sa kaliwang kilay nito mula sa isang accidental headbutt.
Itinigil ni referee Luiz Pabon ang naturang laban matapos ipatingin kay ringside doctor Phil Sahu ang sugat ni McCloskey.
Sa mga scorecards, ang tatlong judges ay nagbigay kay Khan ng 60-54 points sa kanilang 12-round bout ni McCloskey.
Base sa WBA rules, ang resulta ay pagdedesisyunan sa loob ng six rounds at ang 60-54 points ng tatlong judges ay magbibigay sa boksingero ng isang unanimous technical decision.
May 25-1-0 win-loss-draw ring record ngayon si Khan kasama ang 17 KOs kumpara sa 22-1 -0 (12 KOs) ni McCloskey.
Ang 24-anyos na si Khan ay sumabay sa training ni Manny Pacquiao sa Baguio City at Wild Card Boxing Gym sa USA.