MIAMI — Pinanood nina Chris Bosh at LeBron James ang pagbibida ni Dwyane Wade sa championship run ng Miami Heat noong 2006.
At natunghayan nila ito nang malapitan kahapon.
Humugot si Wade ng 5 sa kanyang 17 points sa huling 1:35 ng fourth quarter upang iligtas ang Heat sa pagkulapso kontra Philadelphia 76ers, 97-89, sa Game 1 ng kanilang Eastern Conference quarterfinal series.
Humakot si Bosh ng 25 points at 12 rebounds, habang nagtala si James ng 21 points at 14 rebounds para sa Miami.
“The only number that matters right now is 1-0,” sabi ni Wade. “That’s all it’s about.”
Pinangunahan naman ni Thaddeus Young ang 76ers sa kanyang 20 points at 11 rebounds kasunod ang 19 markers ni Jrue Holiday at 17 ni Elton Brand.
Ito ang ikalawang pagkakataon na napakawalan ng 76ers ang kalamangan sa second quarter sa Heat.
May 4-0 rekord ngayong season ang Miami laban sa Philadelphia.
Matapos maubos ang itinayong 14-point lead sa second period, nakalapit ang 76ers sa 87-88 mula sa isang 12-0 atake.
Isinalpak ni Bosh ang dalawang freethrows, habang naikonekta naman ni Wade ang isang mahirap na bank shot para sa 92-87 bentahe ng Heat.
“We’ll take this first win,” wika ni Fil-Am Heat coach Erik Spoelstra. “Hopefully who we’ve been the last few weeks will be more who we’ll be the rest of the series, particularly offensively. We were not very efficient tonight.”
Sa Chicago, umiskor si Derrick Rose ng 39 points, habang nagdagdag si Kyle Korver ng isang three-pointer sa huling 48 segundo para ibigay sa Chicago Bulls ang 104-99 panalo kontra Indiana Pacers.
Tumipa si Rose ng dalawang freethrows sa huling 14.8 segundo para sa 104-99 abante ng Bulls matapos ang mintis na tres ni Danny Granger para sa Pacers.
Sa iba pang laro, tinalo ng Atlanta Hawks ang Orlando Magic, 103-99; at binigo ng Dallas Mavericks ang Portland Trail Blazers, 89-81.