Phl handa na para sa Arafura Games
MANILA, Philippines - Pangungunahan ng Quezon City, sa ilalim ni team manager Sen. Nikki Coseteng, ang delegasyon para sa 2011 Arafura Games sa Darwin, Australia.
Ipaparada ng Quezon City ang mga produkto ng Diliman Preparatory School na sina Loren Dale Echavez, Antoinette Aquino, Pricila Aquino, Kiefer Alexander James Piccio, at Emanuel Joshua Lorbes.
Kumpiyansa ang pangulo ng Philippine Swimming League (PSL) na si Susan Papa na mag-uuwi ng mga medalya ang mga manlalangoy.
“Handa kami. Nagsanay ng mabuti ang mga manlalangoy. Base sa resulta ng mga nakaraang laro, naniniwala akong makapag-uuwi tayo ng medalya,” ani Papa.
Sapul noong 1982, nabigong mag-uwi ng medalya ang Phl Team mula sa mga paligsahang internasyonal. Sinasabi ng mga kritiko na ito ay dahil umano sa problema sa liderato ng Philippine Aquatic Sports Association (PASA), ang national sports association para sa swimming.
Si Echavez ay inaasahang babawi sa Arafura Games matapos bawiin ang kanyang mga medalaya noong 2007 dahil umano sa utos ng pangulo ng PASA na si Mark Joseph.
Pinagagamit ng DPS, sa pamamagitan ni Coseteng, ang Olympic-sized swimming pool ng paaralan ng libre sa mga nagsasanay.
Ginawa ang pool noong nakaraang taon para sa Great Pinoy Peace and Unity Swim, ang pagsubok ng Pilipinas na mag-set ng bagong Guinness World Record para sa pinakamaraming taong lalangoy ng 60 talampakan sa loob ng 24 oras.
- Latest
- Trending