Simula na ang patatagan ng binti
MANILA, Philippines - Rambulan sa unang panalo ang matutunghayan sa 75 siklistang nakaanib sa 15 koponan sa pagbubukas ngayon ng 2011 Le Tour de Filipinas sa Rajah Sulaiman Park sa Roxas Boulevard.
Pitong dayuhang koponan na Kiant Kenda ng Taiwan, CCN Colossi ng Netherlands, OCBC ng Singapore, Azad University at Suren Cycling Team ng Iran, Terengganu PASM ng Malaysia at Bridgestong-Anchor ng Japan ang makikipagsukatan sa walong local teams na Smart, Kia-PhilCyling U-23, American Vinyl, Roadbike Philippines, 7-Eleven, Shopinas, Wow Videoke at Air21 na maglalaban-laban para mapagharian ang apat na araw na karera.
Inorganisa uli ng Dynamic Outsource Solutions, Inc. (DOS-I), ang LTDF ay handog ngayon ng Kia Motors katuwang ng Smart at Air21 at patuloy pa ring binibigyan ng basbas ng international cycling body na UCI.
“For the second year in a row, the many devotees of cycling in the Philippines will have an opportunity to experience the great excitement of a race held in stages,” wika ni UCI president Pat McQuaid sa kanyang mensahe.
Maigsing 66-kilometer na karera ang magaganap sa Stage one na kung saan ang mga kalahok ay sasabak sa isang 11-lap circuit race na magsisimula at magtatapos sa Rajah Sulaiman Park.
Ngunit makakaasang magpupumilit ang lahat na makuha ang panalo upang maging kauna-unahang siklista sa edisyong ito na magsusuot ng yellow jersey.
Ang Stage two ay isusulong bukas mula Balanga, Bataan patungong Iba, Zambales habang ang stage 3 ay mula Iba patungong Lingayen, Pangasinan. Ang huling stage ay Lingayen patungong Burnham Park sa Baguio City at masusukat ang mga kasali dahil sa mapanghamong ahunan sa Kennon Road.
Tampok na parangal ay ang hihiranging individual champion ng karera pero may mga pabuya rin ang lalabas bilang Sprint King at King of the Mountain.
- Latest
- Trending