MANILA, Philippines - Ang tambalan nina two-time Most Valuable Player Willie Miller at 2011 Rookie of the Year Mark Caguioa ang babandera para sa North team laban sa South squad na pangungunahan ni two-time PBA MVP James Yap sa paghataw ng 2011 PBA All-Star game sa Mayo 18-23 sa Boracay Island.
Humakot sina Caguioa at Miller ng Barangay Ginebra ng 17,037 at 9,603 fan votes, ayon sa pagkakasunod, para makuha ang starting guard spots sa North.
Si James Yap ng Derby Ace ang nakahugot ng pinakamaraming bilang ng fan votes sa kanyang 31,437.
Makakasabayan ni James Yap para sa South si Cyrus Baguio ng Alaska, inungusan si Talk `N Text guard Jimmy Alapag para sa isa pang backcourt spot sa kanyang 18,342 votes kumpara sa 16,785 ng huli.
Natapos ang botohan para sa naturang ‘Hala Bola Boracay 2011 All Star Weekend’ noong Abril 10.
Makakasama nina Caguioa at Miller sa starting unit ng North sina Derby Ace frontcourt tandem Mark Pingris (22,041) at Kerby Raymundo (15,381), Rain or Shine wingman Gabe Norwood (12,744) na tinanghal na 2010 All-Star Game Most Valuable Player.
Ang starting unit naman para sa South ay sina Eric Menk (23,571) ng Ginebra, San Miguel scorer Jay Washington (23,571) at Kelly Williams (20,439) ng Talk `N Text.
Si Chot Reyes ng Talk ‘N Text ang mamamahala sa South team, habang si Ato Agustin ng San Miguel ang gagabay sa North squad.