MANILA, Philippines - Makakapagbigay ng mas magandang laban si Shane Mosley kay Manny Pacquiao kumpara sa naipakita nito nang kinaharap si Floyd Mayweather Jr.
Ayon sa trainer ni Mosley na si Naazim Richardson, iba ang kondisyon na kinalugaran ni Mosley noong naghahanda ito kay Mayweather kumpara kay Pacquiao na siya niyang makakaharap sa Mayo 7 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada.
Nauwi sa unanimous decision na kabiguan si Mosley kay Mayweather nang nagkaharap noong Mayo 1, 2010 .
Ngunit ipinunto agad ni Richardson na ang laban ni Mosley kay Mayweather ay ginawa matapos ang pamahinga ng 16 na buwan ng 39-anyos na boksingero kaya’t tunay na wala ito sa tamang kondisyon.
“He’s right back in the groove,” wika ni Richardson. “He’s looking a lot better. I’m getting good response from him.”
Nagsagawa nga kamakalawa ng press preview si Mosley at ipinakita niya ang ipinagmamalaking lakas na siyang tatalo umano kay Pacquiao.
Tahimik naman si Richardson sa pahayag na ito dahil alam niya na para manalo si Mosley ay ang kampo nito ang dapat na gumawa ng pangontra laban sa ipakikitang husay ni Pacman.
“He punches good, he punches from the most peculiar angles you can thing of. You can’t practice that in the gym. Everybody’s seen what Pacquiao brings to the table. You have to find answers. All the questions are going to fall on us,” dagdag nito.
Sinusuri ni Richardson ang mga tapes ng laban ni Pacquiao pero hindi niya ito masyadong tinututukan ito, bagkus ay binabalik-balikan lamang para mas mapansin ang lakas at pagkakamali nito na kakapitalisahin ni Mosley.