MANILA, Philippines - Mula sa dalawa nilang panalo, mag-uunahan ang Ateneo De Manila University at Southwestern University sa pagsikwat sa unang quarterfinals berth sa Group A sa kanilang laro ngayong alas-4 ng hapon sa Season 8 ng Shakey’s V-League sa Filoil Flying V Arena sa San Juan.
Maghaharap naman ang University of Perpetual Help-System Dalta, asam rin ang unang quarterfinals seat sa Group B, at College of St. Benilde sa alas-2, habang magtatagpo ang San Sebastian College-Recoletos at ang Lyceum of the Philippines University sa alas-6 ng gabi.
Tangan ng Ateneo ang 2-0 rekord sa Group A kasunod ang Southwestern University (2-1), Lyceum (1-1), San Sebastian (0-1) at Far Eastern University (0-2), habang may 2-0 baraha ang Perpetual sa Group B sa itaas ng University of St. La Salle (2-1), Adamson (1-1), National University (1-2) at St. Benilde (0-2).
Huling biniktima ng Lady Eagles ang Lady Pirates, 25-19, 24-26, 17-25, 25-19, 15-6, samantalang ginitla ng Lady Cobras ang Lady Stags, 24-26, 25-23, 25-23, 25-20.
“You can’t take any team lightly here and we should always play our best against anybody,” ani Lady Eagles’ head coach Charo Soriano. “Against the Lady Cobras, we have to be ready.”
Muling aasahan ng Ateneo sina guest player Alyssa Valdez, humataw ng career-high 27 points laban sa Lyceum, Thai import Lithawat Kesinee, Fille Cainglet, Dzi Gervacio, Gretchen Ho, Jem Ferrer at libero Denden Lazaro.