3rd Win Pakay ng Ironmen, Elite ni ATan
MANILA, Philippines - Ikatlong sunod na panalo ang hahagipin ngayon ng Cobra Energy Drink at Black Water Elite sa pagbabalik aksyon ng PBA D-League Foundation Cup sa Lyceum Gym.
Pilit na isasantabi ng Ironmen ang tatlong linggong pamamahinga sa pagharap sa Max Bond Super Glue na mangyayari matapos magtuos ang Elite at Pharex sa ganap na alas-2 ng hapon.
Ikalawang pagkakataon na magtatapat ang Elite at Bidang Generix sa torneong ito at pakay ng bataan ni coach Leo Isaac na makabawi sa tropa ni coach Carlo Tan nang lasapin ang 90-100 kabiguan noong Marso 17.
Dalawang sunod na panalo ang kinuha ng Elite sa mga koponan ng RnW Pacific Pipes (72-69) at Freego Jeans (104-81),upang masaluhan ang Pharex sa ikalawang puwesto sa Group A sa 2-1 baraha.
Makakaasang bibigyan sila uli ng matinding laban ng Pharex dahil hangad ng mga ito na makabalik sa pagpapanalo matapos matikman ang dalawang dikit na panalo na nagwakas sa kamay ng PC Gilmore, 97-99, sa huling laro.
Ang Ironmen ang natatanging koponan na hindi pa natatalo sa 13-koponang liga matapos talunin ang 78-70 panalo sa Maynilad at 86-73 tagumpay sa Junior Powerade.
Pero ang huling laro ng koponan ay nangyari noon pang Marso 24 ngunit hindi nagpabaya ang Cobra dahil ginamit nila ang pamamahinga para mas mapaghandaan ang Max Bond.
May 1-1 karta ang tropa ni coach Alfredo Jarencio at kuminang nga sila sa huling laban sa Café France, 83-62, na nangyari naman noon pang Marso 29.
- Latest
- Trending