Gilas tiniyak na magiging palaban sa mga foreign team sa Champion's Cup
MANILA, Philippines - Hindi man makumpirma kung ilan ang bansang lalahok tiyak naman na bibigyan ng Smart Gilas Pilipinas ng magandang laban ang mga dayuhang sasali sa 22nd edisyon ng FIBA Asia Champion’s Cup sa Philsports Arena mula Mayo 28 hanggang Hunyo 5.
Sa pagdalo ni SBP executive director Sonny Barrios sa PSA Forum sa Shakey’s UN Avenue kahapon, kumbinsido siyang maganda ang ipapakita ng Gilas na sa ngayon ay kasali sa PBA Commissioner’s Cup at nakapasok na sa semifinals ng liga.
Binisita ni Barrios ang Gilas sa kanilang ensayo kamakailan at natuwa sa nakikitang paghihirap at pagseseryoso sa kanilang pagsasanay.
Sampung koponan ang kadalasang sumasali sa Champions Cup na kinatatampukan ng dalawang imports ang mga kalahok.
Pero may mga ulat na nagkakaproblema ang ibang teams na nais na sumali at sa ngayon ay sinasabing bukod sa Pilipinas, ang tiyak na sasali ay ang Iran, Syria, Jordan, Lebanon at Malaysia.
“Ang Saudi Arabia at Kazakhstan ay dapat kasali rin pero may balitang nagkakaproblema sila at maaaring palitan. Ang Thailand ang dapat ding kakatawan sa Southeast Asia kasama ng Pilipinas pero nasuspindi sila kaya pinalitan ng Malaysia na third placer sa ASEAN Basketball League,” paliwanag ni Bernie Atienza.
Ang opisyal na kasaling bansa ay malalaman sa Biyernes sa gagawing draw ng mga kalahok na pangungunahan ni FIBA Asia Deputy Secretary-General Hagop Khajirian.
- Latest
- Trending