Hohmann Kampeon sa Phl Pool
MANILA, Philippines - Hinirang si Thorsten Hohmann ng Germany bilang kampeon ng 2011 Philippine Pool Open Championships nang iuwi ang 11-10 panalo laban sa kababayang si Ralf Souquet sa finals kagabi sa SM Megamall Trade Hall sa Mandaluyong City.
Hindi pinakawalan ni Hohmann ang pagkakataong ibinigay ni Souquet na naunang umabante sa hill, 10-9, pero sumablay sa 20th rack upang makatabla ang katunggali bago tinapos ang race to 11 sa 21st rack.
Ikalawang dayuhan si Hohmann na nanalo sa Philippine Open dahil noong nakaraang taon, si Ricky Yang ng Indonesia ang nakapagdomina sa kompetisyon.
Dumaan muna si Hohmann sa butas ng karayom para makapasok sa finals dahil nalusutan muna niya sina Filipino Carlo Biado sa loser’s bracket at si Liu Haitao ng China sa semifinals sa dikitang 9-8 iskor.
Makasaysayan ang nagawa ng 31-anyos na tubong Fulda, Germany dahil hindi siya dapat kasali sa kompetisyon pero napilitang lumahok nang makansela ang US Open na dapat ay kasabay ng palarong inorganisa ng Raya Sports at may basbas ng World Pool Association (WPA).
Ang 2003 World 9-ball Champion ay nag-uwi ng $30,000 at nasamahan ang 17-anyos na si Chen Siming ng China na nagkampeon sa kababaihan nang talunin sii Kelly Fisher ng Great Britain, 9-3.
Hindi naman kinaya ng world’s number two player na si Antonio Lining na bigyan ng kinang ang host Pilipinas nang makontento lamang ito sa ikatlong puwesto matapos lasapin ang 9-0 iskor kay Souquet sa isang semifinals match.
Bago ito ay bumawi si Lining sa tinamong 9-8 pagkatalo kay Liu sa tagisan para sa semifinals spot sa winner’s bracket nang talunin si Darren Appleton ng Great Britain, 9-6, pero nawala ang tikas nang hindi papormahin ni Souquet.
- Latest
- Trending