MANILA, Philippines - Babalikatin ng beteranong si Glenn Aguilar ang kampanya ng Pilipinas sa mga dayuhang katunggali sa pag-arangkada ngayon ng World Motocross Cup sa Sta. Barbara, Iloilo.
Ang 2003 Asian Motocross Champion na si Aguilar ay naghayag ng kanyang paniniwalang mabibigyan ng magandang laban ang mga bisitang mula USA at Germany sa dalawang araw na torneong inorganisa ng Sel-J Sports sa tulong ng Enersel Forte, Therasil, Bridgeston tires at Team Pacquiao na pormal na inilunsad kahapon sa press conference na idinaos sa Rembrandt Hotel sa Quezon City.
Mangunguna sa mga dayuhan sina German Daniel Sedlak at Tiger Lacey ng USA.
Si Sedlak ay nasa bansa sa unang pagkakataon pero siya ang 2007 Dubai Motocross champion habang si Lacey ay nasa ikalawang pagkakataon sa bansa at nanalo nga sa Lanao Del Norte noong nakaraang Disyembre.
Ang iba pang dayuhan ay sina Kai Sedlak, Dennis Tapleton at Jacob Locks at ang labanan ay sa freestyle competition.
Inihayag naman ng pangulo ng CEO ng Sel-J Sports Jay Lacnit na may tatlong leg pang magaganap sa taong ito at dalawa rito ay sa Lanao Del Norte at isa ay sa Surigao.
Bukod sa cash prize, ang mga mananalo ay makakakuha ng puntos na magagamit nila para sa taunang parangal mula sa prestihiyosong Golden Wheel Foundation. (