Orcollo, Lining; Corteza umabante
MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang kinang ng paglalaro nina top seed Antonio Lining, World 8-ball Champion Dennis Orcollo at Lee Van Corteza upang makausad pa sa Philippine Open Pool Championships kahapon sa Megatrade hall ng SM Megamall sa Mandaluyong City.
Ang number two player sa WPA list na si Lining ay dinurog si Muhammad Zulfikri ng Indonesia, 9-1, upang makaabante sa third round ng race to 9, 10-ball format na kompetisyon na inorganisa ng Raya Sports at may basbas ng World Pool Association.
Hindi naman nagpahuli si Orcollo na kinailangang humabol mula sa 1-4 iskor sa kababayang si Allan Cuartero tungo sa 9-7 tagumpay.
Tampok nga sa ipinakita ni Orcollo na unang tinalo ang isa ring Pinoy na si Demosthenes Pulpul, 9-7, ay nang manalo ito ng tatlong sunod matapos huling magtabla sa 5-all.
Si Corteza naman ay nangibabaw laban kay Ibrahim Bin Amir ng Indonesia, 9-6, para manatiling nasa winner’s bracket.
Hindi naman kumapit ang suwerte sa dating world 8-ball at 9-ball champion Ronato Alcano nang matalo siya sa di pa gaanong kilala na si Yong Hwang ng Korea, 9-7.
“It’s unbelievable,” wika ni Yong ng makuha ang panalo kay Alcano sa harap ng mga sumusuportang Filipino manonood.
Nanalo rin si Jundel Manalo sa kababayang si Marlon Manalo, 9-4.
Sina nagdedepensang kampeon Ricky Yang, Ralf Souquet, Thorsten Hohmann ng Germany at Darren Appleton ng Great Britain ay mga nagsipanalo rin para tumindi pa ang paghahabol sa dalawang slot sa winner’s group na aabante sa crossover semifinals.
Si Orcollo nga at Souquet ang magtatapat sa isang laro ngayon na magdedetermina ng papasok sa last eight ng bracket.
- Latest
- Trending