Lining, Alcano, Manalo, Corteza nanalo agad
MANILA, Philippines - Anim na Pinoy cue-artist ang nanalasa agad sa pagbubukas ng Philippine Open Pool Championships men’s division kahapon sa SM Megamall Megatrade Hall sa Mandaluyong City.
Nanguna si Antonio Lining, ang No. 2 player sa talaan ng World Pool Association (WPA), nang kanyang kalusin si Robbie Foldvari ng Australia, 9-7, sa first round ng double elimination format na kompetisyon na inorganisa ng Raya Sports.
Nagsipanalo rin sina Ronato Alcano, Lee Van Corteza, Marlon Manalo, Jundel Mazon at Jerico Banares para makapasok na sa round-of-32 ng labanan sa 10-ball.
Ang double world champion na si Alcano ay nangibabaw kay Desmond Teck ng Malaysia, 9-4, habang dinurog ni Corteza si Rafath Habib ng India, 9-5, at binigo ni Manalo si Lee He Men ng Hong Kong, 9-8.
Ginapi naman ni Mazon si Venancio Tanio, 9-1, habang isang 9-2 panalo ang kinuha ni Banares kay Raymund Faron.
Ang mga natalo ay nalaglag sa loser’s group at kasama rito sina Jech-Jech Limen at Renemar David.
Lumasap ng 2-9 kabiguan si Limen kay Vincent Facquet ng France, 9-2, habang isang 8-9 pagyukod ang tinamo ni David kay Mohamed Al Buainain ng Qatar.
Laglag kaagad sa loser’s bracket si Reggie Ann Biagcong matapos talunin ni Chen Siming ng China, 9-1.
- Latest
- Trending