PBA rules, repasuhin
Panahon na marahil upang pag-aralan at suriin ng Philippine Basketball Association ang ilang probisyon sa kanilang rules and regulations.
Nakakadismaya sa mga fans ng PBA ang hindi pagkakapasok ng Phoenix Fuel sa PBA. nabulilyaso ang planong pagbebenta ng Barako Bull Energy Drink ng prangkisa sa Phoenix Fuel para makalaro ang huli sa season-ending PBA Governors’ Cup sa Hunyo. Nabigo ang Energy Boosters na makakuha ng 2/3 o pitong boto mula sa siyam na koponan dahil sa pagtutol ng San Miguel Corporation.
Pinalitan ng SMC ang pangalang San Miguel Beer bilang Petron Blaze na karibal ng Phoenix sa paggawa ng langis. Kasamang umayaw ng SMB (kinatawan ni Eleazar Capacio) sa pag-reject sa pagpapapasok sa karibal na Phoenix ang dalawang pag-aaring koponan pa ng SMC na Barangay Ginebra na ang representante ay si Robert Non, at Derby Ace ni Rene Pardo at ang kaalyadong Air21 ni Manny Mendoza. Pabor sa bentahan at pag-entra ng Davao-based oil company ang Rain or Shine (league vice chair Mamerto Mondragon), Talk ‘N Text (Patrick Gregorio), Alaska Milk (Joaquin Trillo), Powerade (Kenneth Duremdes) at Meralco Bolts (Ramon Segismundo).
Batay sa regulasyon ng PBA, hindi maaaring pumasok ang isang kumpanya katulad ng Phoenix Fuel kapag may isang kumpanya na nagbebenta rin ng gasolina na kasali na sa liga.
Isa pang dapat na matyagan ng PBA ay ang pagmomonopoliya ng iilang kompanya sa liga.
Parang hindi na ito “healthy.” Naririyan na ang posibilidad na maaari nang “magbigayan” ang mga koponan na nangyayari naman sa “trade” ng players.
Tutal ay pinag-iisipan pa ni PBA czar Chito Salud kung paano pa mapapalakas at mas magiging kompetitibo ang PBA, isama na niya sa kanyang opsyon ang pagsasanksyon sa mga koponan na ang tila hindi naman nagbibigay ng effort na palakasin ang kanilang team.
Noon ang concern ng mga koponan ay ang karangalan na magkampeon sa liga, pero ngayon ay tila mas mahalaga ang exposure ng mga produkto nila.
Kung nais pa ni Salud at ng iba pang opisyal sa PBA na mapaganda ang PBA, suriin nila muli ang mga regulasyon ng liga.
* * *
Tila balangkas na ang trabaho ng bagong talagang executive director ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na si Sonny Barrios. Bilin sa kanya ni Manny V. Pangilinan, ang president ng SBP, na pagtuunan ng pansin ni Barrios ang grassroots development.
Isang malaking responsibilidad ang pag-uugnay na muli ng basketball program sa grass roots level. Ibig sabihin nito kinakailangan ni Barrios na bumaba sa regions sa buong bansa upang ilatag ang programa ng SBP.
Maganda ang programang ito kung talagang pag-iibayuhin ni Barrios. Kahit noon pa man kasi na nagsisimula pa lamang ako ay naririnig ko na pinagpaplanuhan ang “grass roots program”, pero hanggang doon lamang sa plano.
Madalas, at ito ay totoo sa kahit na anong sports, nasa malayong probinsya ang mga hinahanap nating talented na mga atleta. Mayroon silang raw talent na kinakailangan na igiya upang mahulma para maging isang mahusay na atleta.
At ito ang kinakailangang gawin ni Barrios, madiskubre ang mga potensyal na atletang iyan.
Good luck kay Sonny Barrios.
- Latest
- Trending