SMBeer tumagay ng huling panalo sa RoS
MANILA, Philippines - Kasabay ng kanilang pamamaalam sa torneo, winakasan naman ng Beermen ang kanilang six-game losing slump sa pamamagitan ng isang overtime win.
Humakot si import David Young ng 42 points, tampok rito ang hinugot na apat sa extra period, upang tulungan ang San Miguel sa 121-117 tagumpay laban sa Rain or Shine sa pagtatapos ng elimination round ng 2011 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Araneta Coliseum.
Nagdagdag sina Arwind Santos at two-time PBA Most Valuable Player Danny Ildefonso ng tig-17 markers para sa Beermen kasunod ang tig-16 nina Rabeh Al-Hussaini at Alex Cabagnot.
Tinapos ng San Miguel ang kanilang kampanya mula sa malamyang 2-7 rekord kagaya ng Powerade sa ilalim ng semifinalists Talk ‘N Text (8-1) at Smart-Gilas (7-2) at quarterfinalists Alaska (5-3), Barangay Ginebra (5-4), Air21 (4-4), Derby Ace (4-5) at Rain or Shine (4-5) kasunod ang sibak na ring Meralco (3-6).
Huling nangulelat sa isang conference ang San Miguel sa kanilang pagbabalik noong 1986 Third Conference sa kanilang 2-10 baraha kung san pitong koponan pa lamang ang kalahok.
Kung mananalo ang Aces sa Express, makakatapat ng Alaska sa best-of-three quarterfinals series ang Rain or Shine at makakalaban naman ng Ginebra ang Derby Ace.
Mula sa isang nine-point lead ng Beermen, 78-69, sa 3:31 ng third period, umatake ang Elasto Painters upang agawin ang unahan sa 107-106 sa huling 39.8 segundo sa fourth quarter buhat sa basket ni Larry Rodriguez.
Matapos ang three-point shot ni Santos na nagbigay sa San Miguel ng 109-107 lamang sa 32.6 segundo, itinabla naman ni Beau Belga ang laro sa 109-109 sa nalalabing 16.1 segundo patungo sa overtime.
Huling nakadikit ang Elasto Painters sa 114-115 sa 1:16 ng extra period galing sa basket ni Rodriguez kasunod ang ratsada nina Santos, Ildefonso at Young para sa 121-114 bentahe ng Beermen sa natitirang 6.4 segundo.
Pinangunahan ni NBA veteran Hassan Adams, nalimita sa 6 points sa first half, ang Rain or Shine sa kanyang 20 points kasunod ang tig-18 nina Josh Vanlandingham, kumolekta ng 10 markers sa final canto, at Belga, 15 ni Doug Kramer at 14 ni Rodriguez.
San Miguel 121 - Young 42, Santos 17, Ildefonso 17, Al Hussaini 16, Cabagnot 16, Salvacion 5, Baclao 4, Miranda 3, Hubalde 1, Yeo 0, Tugade 0, Pennisi 0.
Rain or Shine 117 - Adams 20, Vanlandingham 18, Belga 18, Kramer 15, Rodriguez 14, Norwood 7, Chan 6, Jazul 5, Ibanes 5, Buenafe 3, Tang 2, Arana 2, Ferriols 2, Uyloan 0, Cruz 0.
Quarterscores: 30-23, 51-46, 82-80, 109-109, 121-117 (OT).
- Latest
- Trending