MANILA, Philippines - Makikilatis ang tunay na lakas ng La Salle Bacolod sa pagbangga sa Adamson sa triple header game ngayon ng Shakey’s V-League sa The Arena sa San Juan City.
Ganap na alas-4 ng hapon isasagawa ang tagisan na kung saan ikalawang sunod na panalo ang hangad ng Lady Stingers matapos lusutan ang St. Benilde sa mahigpitang limang sets, 25-21, 25-27, 18-25, 25-17, 15-11, sa Group A.
Kakailanganin ng bisitang koponan na mailabas ang tibay ng laro dahil ang Lady Falcons ay magtatangka ring bigyan ng magandang panimula ang kampanya para sa ikalawang sunod na titulo sa ligang inorganisa ng Sports Vision at suportado ng Shakey’s Pizza na binigyan din ng ayuda ng Accel at Mikasa.
Unahan sa unang panalo naman ang magaganap sa pagitan ng National University at St. Benilde sa pambungad na labanan ganap na alas-2 ng hapon habang ganito rin ang mangyayari sa Southwestern University at FEU sa huling laro dakong alas-6 ng gabi.
Ang Lady Cobras ay natalo sa Lyceum, 25-21, 25-27, 16-25, 15-25, habang ang FEU ay yumukod sa Ateneo, 17-25, 22-25, 20-25.
“Kailangan lamang na hindi mawala ang intensity at determination na ipinakita nila last conference. Kung ganito ang kanilang gagawin, walang rason bakit hindi kami makakadalawang sunod na titulo rito,” wika ni Adamson coach Dulce Pante.
Si dating MVP Nerissa Bautista ang mangunguna sa koponang inaaniban din ng mga subok nang manlalaro tulad nina Angela Benting, Pau Soriano, Angelica Vazquez at Jampong Quinlog.
Ang laro ay mapapanood ng live streaming sa www.v-league.ph.