Lady Stingers winalis ang Blazers
MANILA, Philippines - Hinigitan ng mas bagitong La Salle Bacolod ang laro ng mas beteranong College of St. Benilde sa huling fifth set upang kunin ang 25-21, 25-27, 18-25, 25-17, 15-11, panalo sa pagpapatuloy ng Shakey’s V-League first conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Kumawala ng apat na matitinding puntos ang Lady Stingers matapos ang ikasiyam at huling tabla sa deciding set sa 9-all.
May 22 puntos si Patty Orendain kasama ang huling dalawang puntos para kunin ng isa sa dalawang koponan mula sa Visayas ang unang panalo sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza.
May 31 excellent hits sina Kay Aplasca at Charmaine Moralde bukod sa paghahatid ng pinagsamang 30 hits habang ang 17-anyos US import Jayde Hair ay naghatid pa ng 10 puntos kasama ang 2 blocks.
“Marami kaming service errors at defensive lapse pero natural lamang ito dahil first game at kinakabahan sila. Pero kailangang mag-improve kami sa mga susunod na laro namin,” wika ni USLS assistant coach Carl Barredo.
Nasayang naman ang pagkakataong tapusin ng Lady Blazers ang laro sa fourth set nang biglang lumamya ang kanilang ipinakita.
Inakalang nabawi nila ang naunang tikas nang makipagsabayan sa Lady Stingers pero muli rin silang kumulapso para lasapin ang kabiguan.
Ito ang ika-11 sunod na pagkatalo ng koponan sa ligang suportado rin ng Accel at Mikasa dahil may 10 sunod na kabiguan na nangyari matapos kunin ang panalo sa University of San Jose-Recoletos sa first conference ng seventh season.
Bumangon ang Lyceum mula sa first set na pagkadapa upang dispatsahin ang CESAFI champion Southwestern University, 21-25, 27-25, 25-16, 25-15 sa ikalawang laro.
- Latest
- Trending