MANILA, Philippines - Maagang pagtangan sa liderato ang nais gawin ng apat na koponang magtatagisan sa pagbubukas ng 8th season ng Shakey’s V-League ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Isang simple pero makabuluhang opening ceremony ang gagawin sa ganap na ala-1 ng hapon bago sumambulat ang unang laro isang oras matapos nito sa pagitan ng Ateneo at FEU.
Susunod naman ang bakbakan ng Perpetual Help at National University at ang mananalo ay siyang tatangan sa maagang kalamangan sa 10 koponang liga na inorganisa ng Sports Vision at suportado ng Mikasa at Accel.
Ang mga hinirang bilang Most Valuable Players ng liga sapul nang binuksan ito noong 2004 ay makikiisa sa seremonya sa pangunguna ng oath of sportsmanship.
Bagong coach sa katauhan ng dating player na si Charo Soriano ang kinuha ng Lady Eagles upang maibigay na ang pinakaaasam na kampeonato sa liga.
Pinakamagandang pagtatapos na nagawa ng koponan ay isang second place finish sa Adamson sa unang conference ng 5th season.
Ang Ateneo rin ang natatanging koponan na kumuha ng Thai import nang ibalik nila si Kesinee Lithawat na naihatid ang Ateneo sa ikatlong puwesto sa second conference noong 2007.
Makikita ang bunga nito sa pagbangga nila sa Lady Tamaraws na pamumunuan ni Rachel Daquis, hinirang na best server sa second conference ng nagdaang season.
Pilit namang ipakikita ng Lady Bulldogs ang kanilang lakas dala ng paglalaro nina dating UAAP MVP Cherry Mae Vivas at dating UST player na si 6’2 Dindin Santiago.