Azkals mabigat na kalaban ang Kuwait

MANILA, Philippines - Kung tatalunin ng Philip­pine Azkals ang Sri Lanka sa isang home-and-away qualifying series para sa 2014 FIFA World Cup ay susunod nitong makakalaban ang Kuwait.

“Sri Lanka first round, and if we get thru we get Kuwait!,” sabi ni team ma­nager Dan Palami sa kanyang Twitter account kaugnay sa laban ng Azkals, may ranggong 151 sa FIFA world ranking, kontra Sri Lanka (173) sa first round at kontra Kuwait (101) sa second round.

Ang away game ng Azkals, muling gagabayan ni German coach Michael Weiss, at Sri Lanka ay ga­gawin sa Hunyo 29 alin­man sa 25,000-seater Sugathadasa Stadium sa Colombo o sa 15,000-seater Kalutara Stadium sa Kalutara.

Nakatakda naman ang home game ng Azkals at Brave Reds ng Sri Lanka sa Hulyo 3 kung saan pi­nag­pipilian pa ng Philippine Football Federation (PFF) kung gagawin ito sa maalamat na Rizal Memorial Stadium sa Maynila o sa Panaad Stadium sa Bacolod City.

Sa Panaad Stadium tinalo ng Azkals ang Blue Wolves ng Mongolia, 2-0, para sa qualifying round ng 2012 AFC Challenge Cup noong Pebrero 8 kung saan halos 20,000 football fans ang nagsuot ng puting damit bilang suporta sa mga Filipino booters.

Ang RMSC ay isang 30,000-seater stadium kung saan ginanap ang 1991 at 2005 Southeast Asian Games.

Nanggaling ang Azkals sa matagumpay na kampanya sa group stage ng 2012 AFC Challenge Cup kung saan sila humakot ng kabuuang 5 points mula sa 1-1 draw sa Myanmar White Angels, 0-0 scoreless draw sa Palestine Fighters at 3-0 win sa Bang­ladesh Bengal Tigers.

Samantala, sinabi naman ng ABS-CBN Sports na nakikipag-usap na sila sa Sri Lankan authorities para sa local airing ng away game.

Show comments