Manny Pacquiao nakipag-spar kay David Rodela ng apat na rounds

BAGUIO CITY, Philippines  - Apat na rounds ang ibinuhos kahapon ni Manny Pacquiao para sa kanilang unang sparring session ni David Rodela kahapon.

At hindi nahirapan ang Filipino world eight-division champion na muling mapahanga si four-time Trainer of teh Year Freddie Roach.

“He’s all right,” sabi ni Roach sa kanilang sparring sa Shape Up Gym sa Cooyeesan Hotel.

Nagulat ang mga local mediamen nang buksan ni Roach ang gym kasabay ng pagsasabing bawal ang kumuha ng larawan ni Pacquiao habang naglalaban sila ni Rodela.

Gusto sana ni Roach ng isang closed-door sessions para kay Pacquiao maski sa mga mediamen.

Nakatakdang itaya ni Pacquiao ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban kay American challenger Shane Mosley sa Mayo 7 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

Inaasahang aabot sa 15 araw ang gagawing sparring session ng 32-anyos na si Pacquiao para sa kabuuang 120 rounds na sparring. Muling makikipag-spar ang Sarangani Congressman bukas at sa Biyernes bago bumaba ng Maynila.

Gagawin ni Pacquiao ang kanyang sparring sa isang gym sa Maynila sa Sabado.

Show comments