Balanseng labanan para sa Season 8 ng Shakey's V-League
MANILA, Philippines - Mas balanseng kompetisyon ang matutunghayan sa ikawalong season ng Shakey’s V-League na magbubukas na sa Linggo sa The Arena sa San Juan City.
Sa pagdalo ng mga pangunahing opisyal sa PSA Forum sa Shakey’s UN Avenue kahapon, ibinalita ni Sports Vision head Mauricio “Moying” Martelino ang ginawang pagbabago sa pagkuha ng mga guest players na tutulong sa kampanya ng 10 koponang maglalaban-laban.
Hindi tulad noong nakaraang taon na dalawang guest players lamang ang puwedeng kunin ng bawat koponan, maaari nang humugot ng tatlong guest players pero ang mga ito ay dapat nag-aral sa nagdaang semester sa paaralan o unibersidad sa bansa.
“Ngayon ay makakapili ang mga teams kung ano ang kanilang gustong gawin. Puwede silang kumuha ng isang foreign at local guest players o tatlong guest players basta nag-enrol sila sa kahit saang unibersidad sa bansa,” wika ni Martelino.
Nakasama sa pagpupulong si Ricky Palou at mga Shakey’s officials na si GM Vic Gregorio at marketing manager Barbie Ocampo.
“Patuloy kaming sumusuporta sa V-League at lalawig pa ito sa mga darating pang taon dahil maganda ang feedback na nakukuha namin sa aming mga consumers. Nais naming makahanap talaga ng sports na maaring idikit ang aming brand at sa V-League namin ito nakita,” wika ni Gregorio.
Dahil sa popularidad at magandang tugon ay minabuti na rin ng pizza chain store na sumuporta sa girls volleyball summer camp na nagsimula noong Marso 26 at magtatapos sa Abril 2 sa Ateneo Blue Eagles Gym.
Ang Adamson University ay magbabalik kasama ang San Sebastian, Ateneo, Lyceum, FEU, National University, St. Benilde at Perpetual Help. Sasamahan sila ng mga koponan sa Visayas na La Salle Bacolod at Southwestern University.
Ang Lady Falcons ang nagreyna sa nakaraang torneo.
- Latest
- Trending