Freego, PC Gilmore mag-uunahan sa panalo
MANILA, Philippines - Ibangon ang puring nadungisan nang hindi makaporma sa unang laro ang hangad ngayon ng Freego Jeans sa pagbabalik aksyon ng PBA D-League Foundation Cup ngayon sa Adamson Gym.
Inaasahang masusuportahan ng mga manonood, ang koponang hawak ni coach Leo Austria ay susukatin ang husay ng PC Gilmore sa tampok na laro na magsisimula matapos ang balikatan ng Max Bond Super Glue at Café France sa ganap na alas--2 ng hapon.
Pare-parehong natalo ang apat na maglalaro sa hapong ito kaya’t inaasahang magiging maaksyon ang double header dahil sa rambulan para sa unang panalo.
Masasabing home team ang Freego dahil ang kanilang manlalaro ay players din ng Falcons na inilagay bilang dark horse pero lumasap ng 71-82 pagkatalo sa kamay ng NLEX Road Warriors noong Marso 15.
Sina Eric Camson at Roider Cabrera na gumawa ng 21 at 18 puntos ang mga sasandalan sa laban pero dapat na tumulong ang ibang inaasahan tulad nina Janus Lozada, Lester Alvarez at Jan Colina dahil ang Wizards na binubuo ng mga manlalaro ng St. Benilde at hawak ni coach Art Del Rosario ay gagawin ang lahat para manalo at makabawi sa tinamong 72-76 pagkatalo sa kamay ng RnW Pacific Pipes.
Makaiwas na makasalo ang Powerade sa huling puwesto sa 0-2 baraha ang gagawin naman ng Max Bond at Café France sa unang tagisan.
Kawalan pa ng magandang teamwork ang sinabi ni coach Alfredo Jarencio na siyang dahilan kung bakit nalasap nila ang 61-82 kabiguan sa kamay ng Maynilad.
- Latest
- Trending