MANILA, Philippines - Maging ikalawang Filipino boxer na tumalo kay South African Moruti Mthalane ang pakay ngayon ni Johnriel Casimero sa pagsampa ng dalawa sa ring sa Nasrec Indoor Arena, Johannesburg, Gauteng, South Africa.
Si Casimero ay aakyat ng timbang upang hamunin si Mthalane na kampeon sa IBF flyweight division.
Edad 21 lamang si Casimero at umakyat ng timbang matapos makagawa ng magagandang panalo sa mas mababang flyweight division na kung saan minsan ding tumayo siya bilang isang interim WBO light flyweight champion.
Kapwa nakapasa naman sa timbang ang dalawang boksingero para makita na handa na sa nasabing laban.
Bago si Casimero, nauna nang hiniya ni Nonito Donaire Jr. si Mthalane nang naglaban ang dalawa sa Mandalay Bay sa Las Vegas noong Nobyembre 1, 2008. Kampeon pa noon si Donaire sa IBF flyweight at challenger si Mthalane na pinahirapan ang Filipino Flush bago naiuwi ang TKO sa sixth round dahil sa malalaking putok sa mukha ng challenger.
Si Donaire ay kampeon ngayon sa WBC/WBO bantamweight division nang kanyang patulugin si Mexican Fernando Montiel sa 2nd round.
Dahil sa nakasabay si Mthalane kay Donaire kung kaya’t mataas ang kumpiyansa ng mga handlers ng kampeon na madali nilang matatalo si Casimero na may 14 panalo sa 15 laban kasama ang 8 KOs.