MANILA, Philippines - Namuro si Jeson Patrombon na maging kauna-una-hang Filipino netter na manalo ng boy’s singles title sa Mitsubishi Lancer International Juniors Tennis Championships matapos kunin ang 4-6, 6-2, 7-6(3) panalo laban kay Pedja Krstin ng Serbia sa semifinals kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.
Dumaan sa butas ng karayom ang 17-year old top seed sa labanan nang kailangan niyang isantabi ang matinding hamon ni Krstin at pulikat sa magkabilang binti sa ikatlong set para makaabante sa finals.
“Bibigay na talaga ako pero dahil sa nagsasabi sa akin na kaya ko ito kaya pinilit ko talagang manalo,” wika ni Patrombon matapos manaig sa labanang tumagal ng dalawang oras at 41 minuto.
Sunod niyang kakaharapin ay si second seed Andrew Whittington ng Australia na madaling ginapi ang kababayang si Luke Saville, 6-2, 6-3.
Angat si Patrombon sa kalaban sa head to head, 2-1, pero sa huling pagkikita nila ng Aussie netter ay natalo siya sa Finals ng 17th Sarawak Chief Minister’s Cup sa Kuching, Malaysia noong nakaraang linggo.
“Pahinga lang at kailangang ibabad sa ice. Expected kong mahaba ang larong ito at gaganti ako,” wika ng tubong Iligan City sa ikaapat na pagtutuos nila ni Whittington.
Ano man ang mangyari sa finals ay nakuha na ni Patrombon, magdiriwang ng kanyang ika-18th kaarawan ngayon, ang respeto dahil sa ipinakita sa semis.
Humabol muna ito matapos matalo sa first set at nagawang talunin ang pagod na ring seventh seed kahit nawala ang 5-2 kalamangan at pulikat sa magkabilang binti.
Napatawan pa siya ng point deduction ng umpire dala ng ikalawang ball abuse sa 11th game at tabla ang laro sa 5-all.
Serve ni Patrombon at dahil sa penalty ay umabante sa break point si Krstin.
Pero hindi nasira ang loob ni Patrombon nang pakawalan ang dalawang magkasunod na smash at cross-court volley upang umabante sa 6-5.
Nakatabla si Krstin sa 12th game at sa tie-break at tila nakuha uli ng Serbian ang momentum nang balewalain ang maagang 3-0 kalamangan ni Patrombon upang magkatabla sa huling pagkakataon sa 3-all.
Ngunit di talaga nagpatalo si Patrombon nang kunin nito ang sumunod na apat na puntos para makaabante sa finals.