MANILA, Philippines - Bubuo ng 20-man national pool si national coach Norman Black para siyang pagpilian ng manlalarong kakatawan sa bansa sa 26th Southeast Asian Games sa Indonesia sa Nobyembre.
Ang koponan ay pangungunahan ng mga Gilas players na sina Greg Slaughter, Japeth Aguilar at Aldrech Ramos upang isama sa mga nag-tryouts na collegiate players tulad nina Nico Salva at Kiefer Ravena ng Ateneo, Calvin Abueva at Ian Sangalang ng San Sebastian, Lester Alvarez at Alex Nuyles ng Adamson at Clark Bautista at Jeric Teng ng UST.
Hindi pa naman tiyak kung may makukuhang manlalaro si Black mula sa NCAA champion San Beda habang ang karibal na koponan ng Eagles na La Salle ay nagpasabi na hindi maaaring magamit ang kanilang manlalaro dahil pinaghahandaan nila ang UAAP season.
Si Chris Tiu ay hindi pa rin tiyak kung handang maglaro sa nasabing koponan pero kung papayag ay siya ang tatayong team skipper dahil sa kanyang karanasan.
Pero kapag nagsimula na ang collegiate seasons sa bandang Hunyo ay dalawang beses sa isang linggo na lamang magsasanay ang koponan para hindi maipit ang mga collegiate players sa kanilang mother teams.