Patrombon papalo sa semis
MANILA, Philippines - Nakuha ni Jeson Patrombon ang mahalagang break sa huling laro sa third set para makabangon sa pagkatalo sa second set at makumpleto ang 6-3, 3-6, 6-4, panalo laban kay Nick Kyrgios ng Australia sa quarterfinals ng 22nd Mitsubishi Lancer International Juniors Tennis Championships sa Rizal Memorial Tennis Center.
Serve ni Kyrgios at ang iskor ay 5-4 para kay Patrombon at 30-all sa 10th game nang makuha ng top seed ang match point sa isang malakas na back hand ng katunggali.
Ilang palitan sila sa sumunod na tagpo pero ang malakas na forehand ni Patrombon ay nagresulta upang mapatakbo si Kyrgios sa baseline para maibalik ang bola.
Pero mahina ang back hand return nito at inatake ni Patrombon ang net tungo sa winning volley at makuha ang tagumpay sa labang tumagal ng isang oras at 55 minuto.
“Maganda ang inilaro niya lalo na sa second set at nahirapan ako sa mga serve niya. Pero sa last game ay nakapag-adjust ako at gamble ang atake ko sa net. Opportunity na kasi ito sa akin at kumpiyansa naman ako ng maipapasok ko ang bola,” wika ng number nine sa mundo na 17-anyos na si Patrombon.
Ang panalo ay nagtulak sa kanya para marating ang semifinals at sunod na makakaharap and seventh seed na si Pedja Krstin ng Serbia na umani ng 6-2, 6-2, upset panalo sa third seed na si Ben Wagland ng Australia.
Gaya ni Kyrgios na nakaharap at tinalo ni Patrombon sa Malaysia, ikalawang pagtutuos ito nila ni Krstin at tinalo niya ito sa unang pagkikita sa Chang ITF sa Bangkok, Thailand.
Ang mananalo sa labang ito ang uusad sa finals laban naman sa magwawagi kina second seeds Andrew Whittington at Luke Saville na parehong mula sa Australia.
Bigo naman si Patrombon na mapanatili sa Pilipinas ang boy’s doubles title nang masilat sila ni Jaden Grinter nina Canadians Samuel Monette at Filip Peliwo, 6-4, 6-3.
Si Francis Casey Alcantara ang namayagpag sa doubles sa huling dalawang edisyon ng ITF Grade I event na ito dahil nakampeon sila ni Daniel Berta ng Sweden noong 2009 habang nagbunga rin ng titulo ang pagtatambal nila ni Fil-Am Raymond Sarmiento noong nakaraang taon.
Tapos na rin ang laban ng bansa sa girl’s doubles nang matalo sina Anna Clarice Patrimonio at Katherine Ip ng Hong Kong kina Japanese fourth seeds Nao Hibino at Riza Ozaki, 6-1, 6-2, sa quarterfinals.
- Latest
- Trending