Patrombon kumakasa pa sa Mitsubishi netfest
MANILA, Philippines - Nailusot ni Jeson Patrombon ang 5-7, 6-1, 6-2, panalo laban sa pinulikat na si Luis Patino ng Mexico para manatiling buhay ang kampanya sa boy’s singles ng 22nd Mitsubishi Lancer International Tennis Championships kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.
Kinailangan ni Patrombon na makabawi sa pagkatalo sa first set na kung saan nauna siyang lumayo sa 3-0 at 4-1, at sinuwerteng natulungan ng pagkakaroon ng pulikat sa magkabilang binti ng Mexican netter para makapasok sa quarterfinals.
“Nag-relax ako nang nakalamang ako. Kinabahan din noong nakuha niya ang first set pero bumigay din siya dahil sa cramps,” wika ng 17-anyos, 5’8 netter mula Iligan City .
Pupuntiryahin niya ngayon ang puwesto sa semifinals laban kay Nick Kyrgios ng Australia na nangibabaw kay Roberto Cid ng USA , 6-3, 6-3.
Aminado si Patrombon na kailangan niyang higitan ang larong naipakita sa round of 16 kung nais niyang maging kauna-unahang Filipino netter na nanalo sa boy’s singles sa ITF Grade I event na ito.
Ang mga manlalaro ng Australia ang namamayagpag sa kompetisyon matapos makaabante rin ang second seed na si Andrew Whittington, fourth seed Luke Saville at unseeded Joey Swaysland.
Si Whittington na tinalo si Patrombon sa finals sa 17th Sarawak Chief of Minister’s Cup sa Malaysia noong nakaraang linggo ay nangibabaw kay 15th seed Robin Kern ng Germany, 6-3, 7-5; si Saville ay pinagpahinga si 13th seed Vasile-Alexandru Ghilea ng Romania, 6-4, 6-1; at si Swaysland na isang qualifier ay tinapos ang kampanya ng Japanese qualifier Soichiro Moritani, 6-4, 7-6(4).
Samantala, buhay pa ang kampanya ni Jurence Zosimo Mendoza sa boy’s doubles nang magbunga ang tambalan nila ni Warit Sornbutnark ng Thailand ng 6-4, 7-6 (9) panalo laban kina Saville at Swaysland ng Australia .
Umabante sila sa second round lab0.0an kina third seed Ghilea at Teodor Niocolae Marin ng Romania na nag-bye sa first round.
Sina Patrombon at Jaden Grinter ng New Zealand na fourth seed ay lalaban naman kina Samuel Monette at Filip Peliwo ng Canada na humirit ng 6-0, 6-3, panalo laban kina Calvin Charles Canlas at Juan Opulencia ng Pilipinas.
Sinuwerte rin sina Clarice Patrimonio at Katherine IP ng Hong Kong na umabante sa second round sa girl’s doubles nang hindi sumipot ang kalabang sina Anna Danilina ng Kazakhstan at Yuliya Lysa ng Ukraine.
- Latest
- Trending