Jr. Powerade tinuklaw ng Cobra
MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang nagbabagang laro ni Paul Lee upang bitbitin nito ang Cobra Energy Drink sa isang 86-73 panalo laban sa Junior Powerade sa idinaos na PBA D-League Foundation Cup kahapon sa The Arena sa San Juan City .
Nagpasabog ng 22 puntos bukod sa 8 rebounds, 4 steals at 3 assists si Lee habang si Kokoy Hermosisima at Ken Acibar ay nagdagdag ng 20 at 18 puntos para sa Ironmen na ginamit ang 25-2 bomba para tuluyang maibaon ang Tigers sa ikatlong yugto.
“We got lucky,” wika agad ni Cobra coach Lawrence Chongson na kinuha ang ikalawang sunod na panalo para sa solo-liderato sa Group B.
Nalaglag naman sa 0-2 ang Tigers na nakasabay lamang sa first half nang napag-iwanan lamang ng dalawa sa halftime, 36-38.
Ngunit nawalan ng pangil ang Tigers sa ikatlong yugto nang magbigay sila ng 34 puntos sa kalaban. Ang tres nga ni Lee ay bahagi ng 25-2 run para ibigay sa Ironmen ang 25 puntos kalamangan, 63-38.
Binigo naman ng Black Water ang planong manatiling walang talo sa Group A ng RnW Pacific Pipes sa bisa ng 72-69 panalo sa unang laro.
Si Joshua Saret ay gumawa ng 13 puntos para pangunahan ang Elite na sinandalan din ang dalawang free throws ni Gio Ciriacruz para basagin ang huling tabla sa 68.
Angat nga ng tatlo ang bataan ni coach Leo Isaac may 1.3 segundo nang maibuslo ni Rex Leynes ang dapat sana’y ikalawang tres sa yugto.
Pero napituhan siya na out-of-bounds dahil nakaapak ito sa sidelines para sa isang error.
“Magandang panalo ito sa amin dahil ngayon alam na nila na kaya naming mag-compete,” pahayag ni Isaac na tinabunan ang 90-100 kabiguan ng koponan sa Pharex.
Nalaglag naman sa 1-1 karta ang Pacific Pipes na ininda ang pinagsamang 11 puntos lamang nina Jim Viray at Vic Manuel matapos maghatid ng 18 at 15 puntos nang kunin ang 76-72 panalo sa PC Gilmore sa unang laban.
- Latest
- Trending