Nakaisa rin sa wakas si coach Paul Ryan Gregorio laban sa kanyang dating koponan nang talunin ng Meralco Bolts ang B-Meg Derby Ace, 89-88 noong Biyernes sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ang panalo ay naitala bunga ng kabayanihan ng import na si Chamberlain Oguchu na nagpapasok ng isang three-point shot para sa final score. Dahil doon ay nakumpleto ang pagbalik ng Bolts buhat sa sampung puntos na abante ng Llamados sa huling apat na minutong laro.
Ang hinuha ng karamihan ay magwawagi ang Llamados dahil kontrolado na nila ang laro sa fourth quarter. Subalit nagkumpiyansa sila at nawalan ng focus dahil sa maigting na panggugulo ng point guard na si Chris Ross na natawagan ng magkasunod na technical fouls sa endgame.
Una’y binulabog ni Ross si Niño Canaleta na pumupukol pa naman ng tres bukod sa nagbibigay ng magandang depensa kay Oguch. Pagkatapos ay inasar din ni Ross si Roger Yap na siyang nagtitimon para sa Llamados.
Oo’t na-thrown out si Ross pero “damage was done” na dahil sa nagkawindang-windang na ang excution ng Llamados. Nawala ang concentration ng B-Meg Derby Ace at napabayaan nilang makabalik ang Bolts at magwagi.
Kung nanalo ang Llamados, mananatiling nag-iisa sa ilalim ng standings ang Bolts sa record na 0-5.
So, nakaiwas ang Meralco sa 0-5 at si Gregorio sa 0-5 din kontra sa B-Meg Derby Ace. Kasi nga, sa nakaraang Philippine Cup ay apat na beses natalo ang Bolts sa Llamados sa sindami ng pagkikita.
“That team is tough,” ani Gregorio patungkol sa B-Meg Derby Ace. At alam niya ang kanyang sinasabi dahil sa siya ang bumuo sa team na iyon. Naibigay niya sa B-Meg Derby Ace (dating Purefoods Tender Juicy Giants) ang huli nitong titulo.
“Malaking bagay yung hindi naglaro si James (Yap). Iba kung nandoon si James,” dagdag ni Gregorio patungkol naman sa absence ni James Yap na mayroong injury.
Sa totoo lang, bukod kay Yap, na-miss din ng Llamados ang serbisyo nina Rico Maierhofer, Rafi Reavis, Jondan Salvador at Jonas Villanueva. At sa kabila nito’y muntik pa’ng manalo ang Llamados. Kahit paano’y masasabing may asim talaga ang Llamados. Imagine kung kumpleto ang tropa ni coach George Gallent? Baka napanatili nila ang kanilang dominasyon kontra sa Meralco Bolts!
Dahil sa kabiguan ay bumagsak ang B-Meg Derby Ace sa 2-4 at katabla nito ang Powerade sa oras na isinusulat ito.
“We’re not yet out of it all. Importante talaga ang panalong ito dahil sa kahit paano ay mababawasan ang bigat sa balikat namin. Kasi bukod sa amin ay may apat na ibang teams na may apat na talo na rin. So, bukas pa ang pinto para makarating kami sa quarterfinal round,” ani Gregorio.
Sa pagtatapos kasi ng elims ay apat na teams ang malalaglag. Kahit paano’y hindi nagsosolong kulelat ang Bolts. Posible pa silang makaahon.