Pacquiao wala pa sa timing ang kilos, Roach 'di nababahala
MANILA, Philippines - Kumbinsido si Bob Arum na mananalo si Manny Pacquiao sa laban nila ni Shane Mosley sa Mayo 7 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada.
Dumating ang 79-anyos na promoter sa Pilipinas kahapon at dumiretso sa Baguio City upang sipatin ang paghahanda ni Pacquiao para sa pagdepensa sa WBO welterweight title sa Shape Up gym sa Coo Yee San hotel.
Aminado mang mapapalaban si Pacquiao kay Mosley dahil sa istilo nitong laging nilulusob ang kalaban, hindi naman siya nangangamba na matatalo ang Pambansang kamao.
“He looks terrific, he looks very, very good,” wika ni Arum matapos saksihan si Pacquiao na sumailalim sa mitts training kasama si Freddie Roach.
Wala pa ring kupas ng kaliwang kamao ni Pacman pero napapahanga si Arum sa lumakas nitong kanan na ayon sa kanya ay siyang susi para sa inaasam na panalo kay Mosley.
“I like the way he’s been using that right hand because I really believe that right hand is gonna tell the story of the fight. Left hand is his power hand, so Mosley is gonna be looking for that left hand. But his punching great with that right hand and that’s his big weapon,’ dagdag pa ng beteranong promoter.
Masaya rin si Roach sa takbo ng pagsasanay gayong nasa ikalawang linggo pa lamang sila ng paghahanda.
“Last week was really great, he’s very motivated. He knows it’s not an easy fight and I love it that he knows that. I expect him to get better,” wika ni Roach.
Wala pa sa timing ang ilang pagkilos ni Pacman pero wala itong problema dahil may isang buwan pa sila ng paghahanda at mahaba pa ito para mailagay sa tamang kondisyon si Pacquiao.
Ang sparring laban kina David Rodela at Shawn Porter ay magsisimula sa susunod na Martes.
Hanggang sa katapusan ng buwan ng Marso mamamalagi ang Team Pacquiao sa City of Pines at sa Abril 2 ay lilipad na patungong Los Angeles para dito gawin ang huling limang linggo ng paghahanda.
- Latest
- Trending